Isang pampalakas-loob na mensahe ang hatid ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee para sa mga kapuwa niya scripwriter matapos niyang masungkit ang “Best Screenplay” sa pelikulang “Green Bones.”
Sa ginanap na 2024 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal nitong Biyernes, Disyembre 27, sinabi ni Ricky na bagama’t napakahirap ay napakasarap din daw maging scriptwriter.
“Napakahirap pero napakasarap maging scriptwriter. So, para sa lahat ng naghahangad na maging scriptwriter, ‘wag kayong susuko,” saad ni Ricky.
Kasamang tumanggap ni Ricky ng parangal si Angeli Atienza na isa rin sa sumulat ng script ng nasabing pelikula.
“Sir [Ricky], salamat po sa pagtanggap ng proyektong ito. It’s been my honor and pleasure to work with you. Salamat po sa inspirasyon, for the wisdom, and for guiding us through this journey,” ani Angeli.
Matatandaang bukod sa “Best Screenplay,” naiuwi rin ng “Green Bones” ang “Best Picture.”
Samantala, ginawaran naman bilang Best Actor si Dennis Trillo, Best Supporting Actor si Ruru Madrid, at Best Child Performer si Sienna Stevens na pawang nagsiganap sa nasabing pelikula.
MAKI-BALITA: Listahan ng mga nagwagi sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal