Nasa 66 na kandidato para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang nanganganib na sampahan ng disqualification cases ng Commission on Elections (Comelec).
Sa panayam sa radyo nitong Linggo, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na base sa kanilang inisyal na assessment, nasa 66 kandidato ang posibleng sampahan nila ng kaso ngayong linggong ito upang madiskuwalipika sa eleksiyon dahil sa posibleng pagkakasangkot sa premature campaigning.
Aniya, ilan sa mga ito ay nagpa-raffle, nagpaskil ng campaign materials, kasama ang kanilang pangalan at posisyon na tinatakbuhan, habang mayroon ding gumamit ng social media upang maagang mangampanya kahit hindi pa naman campaign period.
Binigyang-diin ni Garcia na anumang platform ang gamitin ng mga kandidato ay premature campaigning pa rin ito dahil ang opisyal na panahon ng kampanyahan ay sa Oktubre 19-28 pa.
Ang kaso aniya ay ira-raffle sa mga dibisyon ng Comelec, na siyang didinig dito at maglalabas ng desisyon, bago ang halalan sa Oktubre 30.
Tiniyak din naman ni Garcia na madaragdagan pa ang naturang bilang sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, iniulat din ni Garcia na hanggang nitong Sabado ay nasa kabuuang 1,955 show cause orders na ang kanilang inisyu sa mga BSKE candidates.
Sa naturang bilang, 228 kandidato na ang nagbigay ng kanilang tugon habang 104 reklamo ang ibinasura bunsod ng kawalan ng basehan.