Hindi maikakaila na ang pandemya hatid ng COVID-19 ay nagbigay ng malaking diin sa pangangailangan para sa digital na pagbabago. Maraming bansa ang nagtakda ng kanilang mga plano sa digitalisasyon batay sa mga hamon at pagkakataong lumitaw sa panahong iyon ng ating kasaysayan.
Halimbawa, ang Ireland ay naglunsad ng kanilang bagong pambansang digital strategy noong 2022, na binubuo ng mga positibong elemento ng karanasan nito sa panahon ng pandemya.
Sa kanilang estratehiya, binibigyang prayoridad ng gobyerno ng Ireland ang apat na haligi: ang digital transformation ng mga negosyo, pamumuhunan sa digital infrastructure, digital skills development, at ang digitalisasyon ng mga pampublikong serbisyo.
Ang gobyerno ng Ireland ay magbibigay ng mga gawad at tulong sa maliliit na negosyo upang makinabang sila sa mga digital opportunity. Ang target nila, pagsapit ng 2030, 90 porsiyento ng mga small and medium enterprise (SME) ay mayroon nang kinakailangang digital na kakayahan at 75 porsiyento ay malakas na nakikibahagi sa cloud computing, artificial intelligence (AI), at big data.
Sila ay nakatuon sa mga pangunahing produktibong sektor tulad ng konstruksiyon, advanced manufacturing, at agrikultura, kasama ang mga serbisyong pinansyal, pangangalaga sa kalusugan, transportasyon, at fintech.
Ang isa pang prayoridad ay upang tugunan ang digital divide sa pagitan ng mga rural at urban na lugar sa pamamagitan ng paggawa ng koneksyon na magagamit sa lahat, sa pamamagitan ng kanilang National Broadband Plan, Remote Working Hubs at Broadband Connection Points.
Ang kanilang target ay ang lahat ng Irish na sambahayan at negosyo ay sakop ng Gigabit network pagdating ng 2028 at lahat ng populated na lugar ay sakop ng 5G pagsapit ng 2030.
Pagdating sa digital skills development, ang target ay 80 porsiyento ng mga nasa hustong gulang ay mayroong pangunahing digital skills pagsapit ng 2030.
Nilalayon din ng gobyerno ng Ireland na tiyakin ang malawakang pag-access at paggamit ng mga inklusibong digital na serbisyong pampubliko, na may target na 90 porsiyento ng mga serbisyong magagamit online sa 2030. Ang digitalisasyon ng mga serbisyo sa pampublikong sektor ay inaasahang makakamit ang makabuluhang pagpapabuti sa kalidad ng serbisyo.
Bukod dito, ang bansa ay namumuhunan din sa cybersecurity upang protektahan ang mga mamamayan at negosyo ng Ireland.
Ang layunin ng Digital Ireland Framework ay tumulong na mapabuti ang kapakanan ng mga Irish sa pamamagitan ng pagtiyak na ang lahat ng mamamayan at sektor ay makikinabang sa mga digital opportunity.
Sa aking pakikipagpulong kay Irish Ambassador to the Philippines William Carlos sa unang bahagi ng taong ito, tinalakay namin kung paano makabubuo ang ating dalawang bansa ng mas malakas na digital cooperation. Parehong layunin ng ating mga bansa na gamitin ang digital technology upang lumikha ng higit pang mga pagkakataon sa paglago ng ekonomiya, i-upgrade ang pagpapahusay ng mga pampublikong serbisyo, at bigyan ang ating mga mamamayan ng kaalaman at kasanayan upang maging mga ‘digital citizens’.