Pinarangalan sa Dover Air Force Base sa Delaware ang Filipino-American na sundalo na si Robert Marzan at limang iba pang miyembro ng United States Army Reserve na nasawi sa digmaan sa Middle East.
Pinangunahan ni US President Donald Trump ang seremonya ng dignified transfer, kung saan ibinabalik sa kanilang pamilya ang mga labi ng mga sundalong nasawi sa labanan.
Napatay ang anim na sundalo matapos tamaan ng drone strike ang isang command center sa Port Shuaiba sa Kuwait, isang araw matapos ilunsad ng United States at Israel ang military campaign laban sa Iran.
“It’s a very sad day,” ani Trump sa Florida.
Dagdag pa ng US President, ang mga naulilang pamilya ng mga sundalo ay “great people, great parents, wives, family” at aniya, “the parents were so proud.”
Ang dignified transfer ay isang tradisyunal na seremonya kung saan ibinabalik sa Estados Unidos ang mga labi ng mga sundalong nasawi sa labanan, at itinuturing na isa sa pinakamabigat na tungkulin ng commander in chief.
Dumalo rin sa seremonya si JD Vance, ang bise presidente ng Estados Unidos.
Makikitang sumaludo si Trump habang isa-isang ibinababa mula sa military aircraft ang mga kabaong na nababalutan ng watawat ng Amerika at inililipat sa mga sasakyang magdadala sa mga ito sa isang mortuary facility bago ihatid sa kanilang huling hantungan.
Tahimik namang nakamasid ang mga pamilya ng mga nasawing sundalo sa halos kalahating oras na seremonya.
Ang anim na sundalong nasawi sa drone strike sa Kuwait ay pawang miyembro ng 103rd Sustainment Command na nakabase sa Des Moines, Iowa.
Ang yunit na ito ang nagbibigay ng suplay tulad ng pagkain, gasolina, tubig, bala, transport equipment at iba pang pangangailangan ng militar.