Kailangan umano ng pamahalaan ng karagdagang ₱7 bilyon upang matustusan ang posibleng repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sakaling lumala pa ang tensyon sa Middle East, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian nitong Linggo, Marso 8, 2026
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ng senador na tinatayang aabot sa ₱13 bilyon ang kabuuang pondong kakailanganin kung mapipilitang pauwiin ang mga Pilipino mula sa rehiyon, kabilang ang mga undocumented workers.
“Ang computation natin, kung talagang worst comes to worst, ke-kailangangin natin is ₱13 billion kasi meron pa tayong mga undocumented,” ani Gatchalian.
Ipinaliwanag ng senador na may nakalaan nang ₱6 bilyon sa 2026 national budget para sa repatriation efforts ng pamahalaan.
“So kung meron na tayong P6 billion, ₱13 billion ang kailangan, so kulang na lang natin is about ₱7 billion, so yun yung dapat hanapan,” paglilinaw pa niya.
Nauna nang sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na nangangailangan sila ng supplemental budget upang mapondohan ang repatriation ng mga Pilipino sa Middle East kung sakaling lumala pa ang sitwasyon sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang kalagayan ng mga OFW sa Middle East habang umiigting ang tensyon sa nasabing lugar.