Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na naka-heightened alert status na ngayon ang buong linya ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ito'y bahagi ng paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Martes, Agosto 29, 2023.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa DOTr,  inatasan na ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang MRT-3 na siguruhing ligtas, maayos, at maginhawa ang biyahe ng linya sa darating na pagbubukas ng klase.

Sinimulan umano ng MRT-3 ang "Oplan Biyaheng Ayos: Balik Eskwela 2023" nitong Agosto 22 at iiral ito hanggang Setyembre 1.

"Sa direktiba ni Secretary Bautista, inatasan po natin ang bawat division ng MRT-3 na siguruhing sapat ang bilang ng tauhan na aagapay sa mga pasahero lalo na sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela," ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.

Sinabi pa ni Aquino na mayroon silang mga tauhan sa Operations Division na 24/7 nakatutok upang mabilis makaresponde sa anumang maiuulat na insidente sa kasagsagan ng balik-eskwela.

Tiniyak pa ni Aquino na mayroon ding sapat na bilang ng mga tren para matugunan ang anumang pagtaas sa bilang ng mga pasahero.

"Sa kasalukuyan, may 18 train sets na tumatakbo sa main line tuwing peak hours at nasa tatlo hanggang apat ang spare trains," aniya.

Dagdag pa aniya, bukas ang Commuter Welfare Desks sa mga istasyon upang matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng mga pasahero at estudyante sa buong revenue hours.

Ang MRT-3, na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.