Nanawagan si dating US President Donald Trump sa kaniyang mga taga-suporta na magprotesta matapos niyang isiwalat na inaasahan niyang aarestuhin siya sa darating na Martes, Marso 21.

Ang inaasahang pag-aresto sa kaniya ay dahil daw sa umano'y "hush money" na ibinayad sa isang "porn star" bago ang nangyaring halalan noong 2016.

Sa ulat ng Agence France Presse, matapos umano niyang banggitin ang isang "leak" mula sa district attorney's office ng Manhattan, sinulat ni Trump sa kaniyang Truth Social platform nitong Sabado ng umaga ang katagang:

"Leading Republican candidate & former President of the United States of America will be arrested on Tuesday of next week. Protest, take our nation back!"

Internasyonal

Mga motorista sa China, ‘naulanan’ ng dumi ng tao mula sa isang sumabog na pipeline

Nakasentro umano ang imbestigasyon sa $130,000 na ibinayad kay Stormy Daniels, na may totoong pangalan na Stephanie Clifford, para mapigilan itong isapubliko ang isang "affair" na sinasabing nagkaroon siya kasama si Trump ilang taon na ang nakakaraan bago ang halalan noong 2016.

Pinasinungalingan naman ni Trump na nagkaroon nga siya ng relasyon kay Daniels at sinabing ito lamang ay isang "illegal leaks" mula sa isang "corrupt & highly political Manhattan district attorneys office."

Pinagdedesisyunan pa umano ng piskal kung ihahabla nila si Trump hinggil sa nasabing kaso.

Sa ulat pa ng AFP, sinabi ng abogado ni Trump na susuko ang kaniyang kliyente para harapin ang mga kaso laban sa kaniya kapag kinasuhan siya ng isang Manhattan grand jury.