Tumatanggap na ulit ng request para sa teleconsultation ang "Bayanihan E-Konsulta" ng Angat Buhay Foundation ni dating Vice President Leni Robredo.
"Tumatanggap na po muli ang Bayanihan E-Konsulta ng mga request para sa teleconsultation," anila sa isang Facebook post nitong Lunes, Hulyo 25.
"Sa mga nais magpakonsulta, magmessage lamang po sa BEK page at sagutin ang mga katanungan. Maraming salamat po!" dagdag pa nito.
Ang Bayanihan E-Konsulta ay isang free telemedicine channel na inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng pamumuno ni Robredo para sa mga Covid-19 at non-Covid-19 na pasyente. Ngayon ay binuhay ulit ito sa ilalim ng Angat Buhay Foundation ni Robredo.
Kamakailan ay naghahanap ng mga volunteers si Robredo para buhayin ang E-konsulta.
"Because COVID-19 cases are increasing again here, Bayanihan e-Konsulta will reopen,” ani Robredo sa kaniyang Facebook post.
“In preparation for this, we will need 50 non-medical volunteers and 40 medical volunteers for different parts of our operations. The number of volunteers needed may still increase in the next few days, depending on the volume of requests,” dagdag pa niya.
Makalipas ang halos 20 minuto, sinabi ni Robredo sa kaniyang tweet na nasa 1,100 na volunteers ang nag-sign up para sa Bayanihan E-Konsulta.
Matatandaan na itinigil ang operasyon nito dahil sa pagtatapos ng termino ni Robredo bilang bise presidente.
Samantala, ilang linggo matapos pormal na ilunsad ang Angat Buhay Foundation, puno na agad ang schedule ng chairperson nitong si Robredo.Kinumusta ng multimedia producer na si Noel Ferrer ang dating ikalawang pangulo sa isang Instagram video.
“I’m very good. Sorry sobrang busy pa rin. Nag-promise ako sa kanila [tagasuporta] Noel na I will do Facebook live often pero ‘di ko nagagawa kasi doble trabaho kami ngayon,” agad na sabi ni Robredo at idinagdag na wala na siyang “luxury ng sobrang maraming staff.”
Aniya pa, mas hands-on din siya sa ngayon para sa kaniyang anti-poverty non-government organization (NGO).
“So marami akong ginagawa, na ako mismo ang gumagawa. Dina-drive ko ang sarili ko, may driver naman paminsan-minsan, [at] sumasagot ng sariling emails,” ani Robredo.
Bumubuhos din aniya ang mga imbitasyon para sa kaniyang speakership para sa ilang graduation rites.
“Sobrang grabe ng graduation invitations na ang pinaka-heartbreaking lang ang conflict of schedule. Pasensya na talaga. Wala po kaming hinihindian, ang parati lang talagang dahilan, ay may kasabay,” sabi ni Robredo.
“Even then, sobrang salamat sa lahat ng tumutulong.”
Basahin:https://balita.net.ph/2022/07/22/chairperson-robredo-hands-on-na-pinamumunuan-ang-angat-buhay-foundation/