Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Health (DOH) na pag-aralang muli ang coronavirus disease 2019 (Covid-19) alert level system nito.

Sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes, sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, iniharap na nila sa Pangulo ang kanilang alert level system sa isang pagpupulong kamakailan.

Sinabi ni Vergeire na masusing pinag-aaralan ni Marcos ang mga pamantayan at nagbigay ito ng guidance sa kanila.

Sa ilalim ng ipinatutupad na alert level system, kada dalawang linggo ay nag-aanunsyo ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung anong alert level ang ipatutupad sa isang lugar, lalawigan o siyudad.

Gayunman, sinabi ni Marcos nia kailangan na itong pag-aralan muli upang maging mas angkop ang hakbang ng pamahalaan sa kasalukuyang sitwasyon.

Nilinaw din ni Vergeire na hindi tinalakay sa pulong kung mananatili pa rin o papalitan na ang National Task Force Against Covid-19 at IATF.

Paglalahad pa ni Vergeire, mas akma kung Office of the President ang magbibigay ng pahayag sa usapin.