Pinaplano na ng Department of Agriculture (DA) na ibalik sa merkado ang abot-kayang NFA rice na ilalaan lang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Kaagad na nilinaw ni DA Secretary William Dar na hindi na kailangan pang amyendahan ang Rice Tariffication Law upang maisagawa ito.

Sa nabanggit na batas na epektibo noong Marso 2019, pinapayagan ang mga pribadong sektor na umangkat ng bigas basta makakuha sila ng phytosanitary permit at magbayad ng 35-percent tariff para sa pagpapadala nito mula sa mga karatig-bansa sa Southeast Asia.

Sa pagsubaybay ng DA sa presyo ng bigas, aabot na sa P41 ang kada kilo nito sa mga pangunahing pamilihan sa bansa.

Matatandaang itinigil ng pamahalaan ang pagsu-supply ng NFA rice sa huling bahagi ng 2019 matapos isabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Law noong Pebrero 2019.

"Prino-procure ng NFA, ang good for 30 days na kung 'yun ay magagawa. At ito na 'yung i-rollover at ibebenta nila through the NFA retailers. Dapat ibalik 'yun, ang NFA retailers’ group, para magbenta sila ng P27... executive order na lang yun. It needs just additional budget," aniya.

"Directed dapat ang NFA rice na P27, or mahigit P28 or P29, mura pa rin 'yun, sa mga 4Ps…hindi na pwedeng pampubliko," sabi pa nito.