Nagbibisikleta nitong Linggo si Kieth Absalon, isang varsity football player ng Far Eastern University (FEU) kasama ang kanyang pinsan nang sumabog ang isang Improvised Explosive Device (IED) sa kanilang dinadaanan sa Purok 4, Barangay Anas, Masbate City, na ikinamatay nilang dalawa.
Si Kieth, 21-anyos, ay isa sa itinuturing na promising player sa larangan ng football sa Pilipinas at dating UAAP football juniors Most Valuable Player.
Sa ulat ng Masbate Police, naganap ang insidente dakong 6:45 ng umaga nitong Linggo. Kasama ni Kieth na namatay ang kanyang 40-anyos na pinsan, si Nolven, habang ang anak nitong si Chrisbin Daniel Absalon, 16-anyos, ay nakaligtas at patuloy na ginagamot sa Masbate Provincial Hospital sa Masbate City.
Sa ulat ng mga awtoridad, itinanim ang sumabog na IED ng New People’s Army (NPA) na sumabog habang nagbibisikleta sa lugar ang mga biktima. Natanggap ng Masbate Police ang impormasyon sa pagsabog mula sa mga residente sa lugar.
“Based on the investigation, the victims were cycling with their family and relatives going to Barangay B. Titong in the town proper,” ayon kay Police Major Malu Calubaquib, spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 5.
Agad namang ipinag-utos ni Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, PRO 5 director, ang deployment g dagdag na tauhan sa lugar. “All adjacent police stations were directed to conduct checkpoints,” dagdag pa ni Calubaquib.
“Ang insidenteng ito ay isa namang malinaw na patunay sa makasariling pilosopiya ng mga NPA, karahasang walang pinipiling tao, lugar o edad. Ang PNP Bicol ay kaisa ng bawat pamilyang Bicolano upang tuldukan ang limang dekadang pananakot at pagkitil sa mga buhay ng mga inosenteng mamamayan,” pahayag pa ni Estomo.
"Our hearts are broken as we bid farewell to a brilliant player of #MalayaFC and FEU men's football team. A born leader, follower of the highest order, a kind, gentle, and respectful soul. Thank you for everything, #KeithAbsalon. Rest easy in that big football pitch in the sky," ang pahayag naman ng koponan ni Absalon na Malaya FC sa kanilang post sa social media.
Ang rising football star ay nanguna sa ilan sa mga napanalunang championship ng FEU Baby Tamaraws team. Nagwagi rin siya bilang UAAP Season 78 Juniors MVP, bukod pa sa Best Defender at Striker awards.
Naging miyembro rin si Absalon ng Philippine under-19 team na sumabak sa 2018 AFF Under-19 Championship sa Indonesia.
Marivic Awitan