ni Annie Abad.
SIGURADONG mababakunahan ang lahat ng miyembro ng Team Philippines na sasabak sa Tokyo Games sa Hulyo.
Ito’y matapos mag-alok ng Chinese Olympic Committee ng libreng vaccines doses para sa coronavirus disease (COVID-19) na gagamitin sa mga kalahok sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sa kasalukuyang, tanging sina pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno pa lamang ang mayroong Olympic berth.
“The IOC has received a kind offer from the Chinese Olympic Committee, hosts of the 2022 Beijing winter Olympics, to make additional vaccine doses available to participants in both editions of the Olympic Games, Tokyo 2020 and Beijing 2022,” pahayag ni International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach.
Inaasahang madadagdagan ang bilang ngmga atleta sa quadrennial Games sa pamamagitan nina 2016 Rio de Janeiro silver medalist Hidilyn Diaz (weightlifting), 2018 Asian Games gold medal winner Margielyn Didal (skateboarding), Southeast Asian Games queens Kiyomi Watanabe (judo) at Junna Tsukii (karatedo) na abot-kamay na ang qualifying points.
Inihayag kamakailan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pagbibigay ni businessman tycoon Enrique Razon ng libreng COVID- 19 vaccines sa mga Olympic-bound athletes.
Nakatakda ang Tokyo Olympics, ipinagpaliban noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Ipatutupad ang mahigoit na ‘safety and health’ protocol at patunay ang pagbabawal ng organizers sa pagpapasok ng mga miyembro ng pamilya ng atleta at foreign fans sa Japan.