Napatay ang isang dalagang umano’y may kapansanan sa pag-iisip matapos umanong bugbugin ng nakababatang kapatid sa Valezuela City, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ice (hindi tunay na pangalan), 32, taga-Bgy. Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.
Kaagad namang nadakip ng mga pulis ang 27 taong gulang na suspek na sinasabing wala rin sa sariling katinuan.
Sa report ng pulisya, natuklasan ng kanyang mga kaanak na wala ng buhay ang bikitima at nangangamoy na ito, dakong 5:00 ng madaling araw.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), may pasa sa mukha ang biktima na tanda na sinuntok ito at may mga kalmot sa leeg.
May teorya ang SOCO na Huwebes ng gabi nang maganap ang krimen dahil maitim na ang bangkay.
Posibleng tumama ang ulo nito sa semento nang suntukin ito, gayunman, isasailaim pa rin sa autopsy ang biktima para madetermina ang tunay na ikinasawi nito.
Sa pahayag ng mga kaanak, madalas umanong saktan ng suspek ang kapatid nito at hindi nila alam na hahantong ito sa krimen.
Ayon sa pulisya, dalawa lamang silang magkapatid na magkasama sa kanilang bahay dahil wala na silang mga magulang at asawa.
-Orly L. Barcala