Pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng advance payment para sa bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod na rin ng napaulat na ang bakunang dini-develop ng kumpanyang Pfizer ay tinukoy na magiging 95 porsiyentong mabisa laban sa infectious disease.

Idinahilan ni Roque, hindi pumapayag ang pangulo na maiiwan ang bansa kaugnay ng usapin sa pagbili ng nasabing bakuna.

“Medyo pumayag na po tayo na magkakaroon po tayo ng advance. Kasi ‘pag hindi po tayo pumayag, eh baka mangulelat tayo sa mga bansa na makakakuha ng vaccine,” aniya.

Probinsya

Philippine Army, nagbigay-pugay sa opisyal na nagbuwis ng buhay sa MV Trisha Kerstin 3

Nagbago aniya ang isip ng pangulo kaugnay nang pagtanggi nito sa hinihingi ng ilang kumpanya na magbigay muna ng paunang bayad matapo nitong masilip sa listahan ang mga bansang nagpauna na ng bayad.

“Alam ko po noong una ayaw ni Presidente ‘yan pero noong nakuha po niya yung listahan ng mga bansang nag-a-advance payment, hindi naman tayo magpapahuli,” pagbibigay-diin ng tagapagsalita ni Duterte.

Nilinaw ni Roque na maga-advance na ng bayad ang pamahalaan basta may pondo para rito dahil kailangan naman ng Pilipinas ang nabanggit na bakuna.

Argyll Cyrus B. Geducos