Pinag-iingat ng pamahalaan ang publiko dahil sa inaasahang paghagupit ng bagyong ‘Rolly’ sa malaking bahagi ng Luzon ngayong araw.

Sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon, isinailalim na sa tropical cyclone wind signal No. 3 ang Catanduanes habang tinatahak ng bagyo ang eastern coast ng Luzon.

Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng kikilos ang bagyo malapit sa Catanduanes, Calaguas Islands, Camarines Norte at Camarines Sur ngayong umaga at klinakahapunan ay kikilos ito sa Polillo Islands at mainland ng Quezon province.

Huling namataan ang bagyo sa layong 480 kilometers east-northeast ng Virac, Catanduanes, at kumikilos pa-Kanluran Timog Kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour (kph).

National

'Usapin din ito ng integridad at pananagutan!' LP, may sey sa kandidatura ni VP Sara

Ayon sa PAGASA, kung hindi magbabago ang direksyon ng bagyo, hahagupitin nito ang Catanduanes, Camarines Norte, at Camarines Sur bunsod na rin ng lapit nito posibleng daanan nito patungong Bicol region.

Babala ng ahensya, asahan na ng publiko ang malakas na hangin at pag-upan sa Catanduanes, Camarines Norte, at sa northern portion ng Camarines Sur ngayong madaling araw.

Babayuhin naman nito ang Quezon at southern portion ng Aurora mula kinahapunan hanggang gabi.

Nilinaw naman ni weather forecaster Benison Estareja ng PAGASA, inaasahan ding dadaanan ng bagyo ang Quezon-Aurora, Central Luzon na kakapit ng Metro Manila at Rizal, at ilang bahagi ng Ilocos Region, Pangasinan at La Union.

Pagkatapos na tumawid sa Central Luzon, lalabas naman ang bagyo sa kalupaan sa pamamagitan ng Zambales-Bataan area bukas (Lunes) ng umaga.

Napanatili aniya ng bagyo ang lakas ng hanging 215 kph malapit sa gitna at bugsong aabot sa 265 kph.

Kapag nakatawid na aniya ito sa Luzon ay hihina na ito habangn tatahak sa West Philippine Sea.

Isinailalim din sa Signal No. 2 central at southern portion ng Quezon (Mauban, Sampaloc, Lucban, Candelaria, Dolores, Tiaong, San Antonio, Sariaya, Tayabas City, Lucena City, Pagbilao, Atimonan, Padre Burgos, Agdangan, Unisan, Plaridel, Gumaca, Pitogo, Macalelon, General Luna, Catanauan, Mulanay, San Francisco, San Andres, San Narciso, Buenavista, Lopez, Calauag, Guinayangan, Tagkawayan, Quezon, Alabat, Perez), kabilang na ang Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Burias at Ticao Islands, Marinduque, at Northern Samar.

Habang nasa Signal No. 1 naman ang Metro Manila, ilang bahagi ng Masbate, Quezon, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Romblon, Occidental Mindoro, kabilang ang Lubang Island, Oriental Mindoro, Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Pangasinan, La Union, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, southern portion ng Isabela (Aurora, Luna, Reina Mercedes, Naguilian, Benito Soliven, San Mariano, Palanan, Dinapigue, San Guillermo, Echague, San Agustin, Jones, Cordon, Santiago City, Ramon, San Isidro, Angadanan, Alicia, Cauayan City, Cabatuan, San Mateo), northern portion ng Samar (Tagapul-An, Almagro, Santo Nino, Tarangnan, Catbalogan City, Calbayog City, Santa Margarita, Gandara, Pagsanghan, San Jorge, Jiabong, Motiong, Paranas, San Jose de Buan, Matuguinao), northern portion ng Eastern Samar (Taft, Can-Avid, Dolores, Maslog, Jipapad, Arteche, Oras, San Policarpo), at Biliran.

-ELLALYN DE VERA-RUIZ