Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa nakamamatay na sakit na leptospirosis na maaaring makuha sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga.

Ginawa ito ni Dr. Beverly Ho, Director for Promotion and Communication Service ng DOH, kasunod ng mga nararanasang pagbaha dahil sa mga sunud-sunod na pag-ulan at bagyo na pumapasok sa bansa.

Ayon kay Ho, dapat na iwasan ng mga mamamayan na lumusong sa baha, lalo na kung mayroon silang sugat na maaaring mapasukan ng leptospira, ang bakterya na mula sa ihi ng daga, na nagdudulot ng sakit na leptospirosis.

Sakali aniya na hindi maiiwasan ang paglusong sa baha ay makabubuting gumamit ng protective gear gaya ng bota at kaagad na hugasan ng tubig at sabon ang bahagi ng katawan na nababad sa baha.

National

'Usapin din ito ng integridad at pananagutan!' LP, may sey sa kandidatura ni VP Sara

“If ever that happens, please reach out to your health care provider so that you might be provided with necessary post-exposure prophylaxis kung kinakailangan,” dagdag ni Ho, sa isang online forum.

Ilan aniya sa mga sintomas ng leptospirosis na dapat bantayan ay ang lagnat, pananakit ng kalamnan at ulo, at pamumula ng bata.

Paalala pa ng DOH, ang malalang kaso ng leptospirosis ay maaaring magdulot ng pinsala sa atay, bato at utak na maaaring magresulta sa kamatayan, kung hindi maaagapan.

-Mary Ann Santiago