MULING rumihistro ang kaha ng BELL Racing Stable nang mangibabaw at madomina ng alagang Work Bell ang 2020 PHILRACOM Juvenile Fillies & Colts Stakes Race nitong Linggo sa Saddle and Parks Leisure Club in Santa Ana sa Naic, Cavite.
Sa gabay ni Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee JB Hernandez, hataw ang Work Bell sa rematehan tungo sa four-length ng 1,300-meter race.
Nailista ng two-year-old colt mula sa lahi ng Outwork at Colony Crossing ang kabuuang oras na 1:18.4 sa quartertimes na 7, 22, 22 at 26 segundo.
“Bantay-bantay lang noong una, noong nagka-chance, kinuha ko na,” pahayag ni Hernandez, ginabayan ang Work Bell sa ikatlong pagkakataon sa kanyang career.
Kasama ng Work Bell sa stable ang 2019 PSA Horse of the Year Union Bell, nagtala ng anim na panalo sa nakalipas na season, kabilang ang Philracom Juvenile Championship. Hindi nakasali ang Union Bell sa first leg ng 2020 Triple Crown Series nitong October 4 dahil sa injury.
Nakamit ni Bell Racing Stable owner Elmer de Leon ang premyong P600,000.
Sumegunda ang Kiss Muna, alaga ni Cipriano Sison Jr. at sakay si RG Fernandez,para sa premyong P225,000, habang pangatlo ang Meteora (owner Peter Aguila, jockey RC Suson), para sa P125,000. Pang-apat ang My Sweet Lord (Francis Lim, RA Base) para sa P50,000.
Bilang pagtalima sa ipinatutupad na health and safety protocol, tanging ang mga racing clubs' employees, Philracom personnel, horse-owners, jockeys, trainers at special guests ang pinapayagan sa venue. Suot din ng mga Jockeys ang special face masks at eye gear, habang ang trainers at iba pang horse-racing personnel ay may suot na hazmat suits at protective equipment sa kani-kanilang stable.
Hindi pa rin pinapayagan ang Off Track Betting Stations, ngunit ang mga nagnanais na tumaya sa mga karera sa San Lazaro Leisure Park (Manila Jockey Club) at Saddle and Parks (Philippine Racing Club) ay maaring tumaya sa Telebet, habang ang Metro Turf sa Malvar Batangas ay gumagamit ng Fastbet.