MATINDI ang paniniwala ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na talagang kasangkot o may nalalaman si Health Sec. Francisco Duque III sa bilyun-bilyong pisong anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa kabila ng matinding pagtanggi ng Kalihim.
Sa banner story ng BALITA noong Huwebes, nagdudumilat ang titulo: “Duque, ‘niloloko’ si Duterte.” Aba, mabigat ang paratang na ito ng Pangulo ng Senado. Isipin mong “niloloko” raw ni Kalihim Duque si Pres. Rodrigo Roa Duterte tungkol sa mga isyu at situwasyon ng Philhealth.
Siguro naman ay hindi nagbibiro si TitoSen nang sabihin niyang “niloloko” ni Duque si Mano Digong. Bagamat isang seryosong bagay ang hinggil sa PhilHealth, si Sotto na dating komedyante bago pumalaot sa pulitika, ay hindi naman marahil nagbibiro ngayon.
Para sa kanya, kailangang papanagutin si Duque sa kuwestiyunableng cash advance ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) sa mga ospital. Hindi umano “nakakatulog” ang Kalihim dahil sa pagkakadawit sa anomalya. Ipinagtapat niya ito sa Pangulo. Naawa naman si PRRD at sinabihan siyang magbakasayon sila sa Spratlys.
Nagrereklamo si Duque sa rekomendasyon ng Senado na dapat siyang isama sa IRM scam na ikinawala ng sangkaterbang salapi na sana ay sa mga mahihirap na pasyente nagagamit at hindi nasisilid sa mga bulsa ng mga timawa at tiwaling tauhan at opisyal ng PhilHealth.
Kung sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni PRRD ay inamin niyang “inutil” siya sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) dahil hawak ito ng dambuhalang China, iba naman ang paninindigan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana.
Sa news story pa rin ng BALITA noong Huwebes “PH di isusuko ang laban sa WPS”, ipinaalam ni Lorenzana sa mga kongresista na itutuloy ng Pilipinas ang laban sa WPS sa kabila ng pag-okupa ng China sa teritoryo ng bansa.
Si Lorenzana ay dumalo sa pagdinig ng House committee on appropriations para hilingin sa Kamara ang P209.1 bilyong budget ng Department of National Defense para sa 2021. Matatag ang pahayag ni Lorenzana sa harap ng mga mambabatas: “Tuluy-tuloy lang po ang laban.”
Siniguro niya sa mga kongresista na hindi aabandonahin kailanman ang mandato nitong protektahan at ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas sa WPS. Eh bakit ang Vietnam, Indonesia, Malaysia at iba pa ay umaangal at nagrereklamo sa ginagawa ng China sa Spratlys, pero hindi naman sila ginigiyera ng dambuhalang nasyon ni Pres. Xi Jinping?
Bakit laging sinasabing takot siyang makipaggiyera eh hindi naman nais makipagdigma kundi ihayag lang ang mga reklamo sa reclamation activities ng China? Ayon kay Lorenzana, patuloy sa pagpapatrulya ang Philippine Air Force at Philippine Navy sa mga teritoryo sa WPS.
Binigyan na ng absolute pardon ng Pangulo si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton. Samakatwid, wala nang habol ang pamilya ng pinatay na transgender na si Jennifer Laude at ang mga miyembro ng LBTQ+ o kung sino mang mga kritiko. Maging ang Supreme Court ay walang magagawa rito.
Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na handa na nilang ipatapon si Pemberton matapos na ito ay palayain sa bisa ng absolute pardon ng Pangulo. Nais ni BI Commissioner Jaime Morente na ilipat na agad ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa BI si Pemberton kapag pinakawalan na ito.
-Bert de Guzman