Hindi papayagan ng Kamara na mawaldas o masayang lamang ang P165.5 bilyong stimulus fund na pinagtibay sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na pinirmahan ni Pangulong Duterte.
Tiniyak nina House Deputy Speaker LRay Villafuerte at House Minority Leader Bienvenido Abante na mahigpit nilang susubaybayan ang paggamit o paggastos ng P165.5 bilyong pondo na pinirmahan ng Pangulo noong Biyernes.
“Babantayan namin ang pondong ito. Hindi namin hahayaang ito ay mawaldas sa walang katuturang bagay,” sabi nina Villafuerte at Abante.
Ayon sa dalawang lider, gagamitin nila ang oversight powers ng Kongreso para masiguro na ang pondong gagamitin laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay mapupunta sa “tama, matalino at mabilis” na pamamaraan.
Umapela naman si Villafuerte sa Department of Budget and Management (DBM) na agad i-release ang pondo upang matugunan ang epekto ng Covid-19.
-Bert de Guzman