NAGING larangan ngayon ng labanan sa pagitan ng administrasyon at ng mga grupong nagsusulong ng kapakanan ng bayan ang ilang kilometro ng baybayin ng Manila Bay. Sukat ba namang nais palabasin ng administrasyon sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources, na sinusuportahan ni Manila Mayor Isko Moreno, na white sand ang baybayin sa pagtatambak dito ng mga dinurog na dolomite na kinuha sa Cebu ng wala itong pahintulot at labag sa batas. Nagkakahalaga ang proyekto ng P389 million, na ayon kay Undersecretary of Environment for Finance Atty. Ernesto Adobo Jr., ay galing sa “contingency fund” ni Pangulong Duterte na inilabas ng Department of Budget and Management noong 2019 para sa rehabilitasyon ng Manila Bay. Sa pagdinig ng House Budget Committee, sinabi ni DENR Sec. Roy Cimatu na ang proyekto ay bahagi ng mga hakbanging isinasagawa ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng Manila Bay sa pagsunod sa utos ng Korte Suprema.
Sino ang nag-apruba ng proyektong paglalagay ng puting buhangin para sa Manila Bay? Sino ang nagbigay ng kontrata? Mahalaga para sa kaalaman ng lahat ang detalye ng mga ito lalo na kung kailan nabuo ang kontrata? Kasi, nakakagulat ang pagsipot ni Mayor Isko Moreno sa kaguluhang ito. Nakatutuya pa ang kanyang reaksyon sa panawagang imbestigahan ang mga ahensiya ng gobyerno kabilang siya. Ninanais niya raw ng “good health” at “goodluck” ang mga nagpapaimbestiga ng proyekto. Eh, ang sinasabi ng mga kritiko ng proyekto ay limang national laws ang nilabag nito. Nakakagulat na ang kagaya ng alkalde na pumupusturang para sa taumbayan ang maingay na sinusuportahan ang proyekto. Ang mga kritikong tinutuya ng alkalde ay nangangalaga ng kalikasan at ipinagtatnaggol ang kapakanan ng bayan. Mukhang taliwas ngayon ang ginagawa niyng pagayon sa white-sand project sa pagpapakita niya na siya ay para sa kapakanan ng mamamayan.
Bakit ko sinabi na para sa kapakanan ng bayan ang mga lumalaban sa proyekto ng administrasyon na paputiin ng dolomite ang bahagi ng Manila Bay? Eh sa panahong ito na dapat patuloy na binibigyan ng gobyerno ng ayuda ang mg mamamayan dahil sa remedyong inilapat nito laban sa pandemya, eh wala na raw pera si Pangulong Duterte. Mayroon palang contingency fund ito. Ang kanyang contingency fund ang ginagastos sa pagpapaputi ng baybayin ng Manila Bay. Bukod dito, pansamantala lamang na makikita ang bunga ng proyekto. Ayon sa mga taga DENR, may mga ginawa silang paraan upang hindi maanod ng alon na sasampa sa dalampasigan at babalik sa karagatan. Pero, hindi lang naman iyong pagtangay ng alon sa pinulbos na dolomite ang problema kapag bumalik ang tubig sa karagatan. Ang alon ay may dalang burak at lahat ng uri ng basura na kapag sumampa sa dalampasigan at bumalik ang tubig sa karagatan, iiwan ang mga ito sa baybayin. Tatabunan lang ng mga dumi at basura ang pinaputing baybayin hanggang sa ito ay mapawi na. Nagaaksaya lang tayo ng malaking salapi na, ayon kay Sec. Leonora Briones ng Department of Education, ay magagamit pa para sa kailangan ng guro at estudyante. Tiyak na hindi pakikinabangan ng mamamayan ang proyekto, pero sino ang nakinabang na at makikinabang pa?
-Ric Valmonte