BAGAMA’t isang rekomendasyon pa lamang, naniniwala ako na ang kahilingan ng Metro Manila mayors hinggil sa pagpapasara ng mga sementeryo sa Undas (Oct. 31 - Nov. 03), ay kakatigan ng Inter-Agency Task Force laban sa COVID-19. Kitang-kita ang lohika at ang pagiging makatao ng naturang panukala, lalo na nga kung isasaalang-alang ang pagdagsa ng ating mga kababayan sa mga libingan kaugnay ng paggunita sa kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kung magkakaroon ng positibong aksiyon ang rekomendasyon ng naturang mga alkalde ng National Capital Region (NCR), hindi malayo na ito ay ipatutupad din ng iba’t ibang local government units (LGUs) sa buong kapuluan. Naniniwala ako na pagbabatayan nila ang tila hindi humuhupang banta ng nakamamatay na coronavirus. Sa pagdagsa ng ating mga kababayan sa mga sementeryo, naroroon ang panganib na sila ay magkakahawahan; hindi maiiwasan na ang isang positibo sa COVID-19 ay makasalamuha ng mismong magkakasama samantalang nasa taimtim na paggunita sa kanilang mga yumao.
Sa Manila North Cemetery, halimbawa, halos hindi mahulugan ng karayom, wika nga, ang ating mga kababayan na dumadagsa sa naturang libingan tuwing Araw ng mga Patay. Halos maghapon at magdamag silang naroroon -- dikit-dikit at mistulang nagpi-picnic. Sa ganitong situwasyon, tiyak na tandisang malalabag ang isa sa pangunahing health protocol: physical distancing o paglalayu-layo. Bukod pa sa makabuluhan ding mga tagubilin -- pagsuot ng face mask at malimit na paghuhugas ng kamay.
Sa kabila ng pagiging makatuturan ng nabanggit na rekomendasyon, natitiyak ko na ito ay ipagkikibit-balikat ng iba’t ibang sektor ng ating mga kababayan, lalo na ng mga mapagmahal sa mayayamang kalinangan ng ating bansa. Ang paggunita sa Araw ng mga Patay, halimbawa, ay bahagi ng kulturang Pilipino na dapat pahalagahan sa lahat ng pagkakataon -- lalo na nga kung Undas. Naging taunang obligasyon na ng mga Pilipino ang pagdalaw sa mga sementeryo upang minsan pa ay patunayan sa mga yumao ang pagmamahal ng mga naulila.
Subalit sa pagkakataong ito -- sa patuloy na pagtindi ng banta ng nabanggit na salot -- nasa wastong direksyon ang pakikiisa sa rekomendasyon ng Metro Manila mayors. Naniniwala ako na walang sinumang maglalakas-loob na labagin ang social distancing rule, lalo na kung iisipin ang tila hindi mapigilang pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan at namamatay dahil sa coronavirus.
Ang paggunita sa ating mga yumao ay maisasagawa kahit na saan tayo naroroon; mapag-uukulan natin sila ng taimtim na panalangin kahit hindi nagsisindi ng kandila sa kanilang mga puntod. Sa kabuuan, hindi isang malaking kabawasan sa pagpapahalaga sa ating mayamang kultura kung ito ay maisasakripisyo natin sa harap ng patuloy na pananalasa ng nakamamatay na mikrobyo.
-Celo Lagmay