MAWALIS ang isa sa dalawang nalalabing hadlang sa hangad nilang elimination round sweep ang tatangkain ng defending champion Ateneo de Manila sa muling pagsagupa sa sibak ng National University sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament ngayon sa Ynares Center.
Magtutuos ang Blue Eagles at Bulldogs sa unang laro ganap na 2:00 ng hapon na susundan ng salpukan ng University of Santo Tomas at Adamson University ganap na 4:00 ng hapon.
Hawak ang 12-0 marka, tanging ang NU at University of the Philippines na lamang ang balakid sa kanilang kampanya na walisin ang double-round elimination.
Tatangkain ng tropa ni coach Tab Baldwin na maulit ang 71-50 panalo kontra Bulldogs nitong Setyembre 22.
Sa tampok na laban, sisikapin ng Tigers na makabalik ng winning track matapos mabigo sa nakaraang laban sa De La Salle.
Hawak ang markang 7-6 kasalo ng Far Eastern University sa ikatlong puwesto kailangan ng Tigers na maipanalo ang huling laro nila sa elimination round at umasang mabigo sa huling laro nila ang Tamaraws o matalo kahit isa sa nalalabing dalawang laro nila ang Archers(6-6) upang makausad sila sa Final Four round.
-Marivic Awitan
Standings W L
*Ateneo 12 0
UP 8 4
UST 7 6
FEU 7 6
DLSU 6 6
AdU 4 8
UE 3 9
NU 2 10
*semifinalist
Mga Laro Ngayon
(Ynares Center)
2:00 n.h. -- NU vs Ateneo (M)
4:00 n.h. -- UST vs AdU (M)