THANKFUL ang nagbabalik-Kapuso actress na si Almira Muhlach sa GMA Network na isa siya sa cast ng GMA Afternoon Prime drama series na Madrasta. Kaya natawa si Almira na siya raw ang totoong madrasta. At sa serye, sa tatlong nanay sa story, siya ang kontrabidang si Shirley, ang nanay ng kontrabidang si Thea Tolentino, dahil si Gladys Reyes ay ang mabait na nanay ni Juancho Trivino, si Manilyn Reynes naman ang mabait na nanay ni Arra San Agustin.
Hindi naman ikinaila ni Almira na committed siya ngayon sa isang businessman na may anak, kaya madrasta siya ng anak nito.
“I have my own kids, tatlo sila (sa first husband niyang si Bong Alvarez), we are a blended family, dahil possible naman talagang magkaroon ng magandang pagsasama ang dalawang pamilya,” kuwento ni Almira. “May madrasta rin ang mga anak kong babae at kahit hindi ko pa siya nami-meet personally, napakabait niya sa mga anak ko. They are very close to her, at kapag nagpunta siya abroad, madalas silang magkausap sa telepono.
Kami naman ni Bong, kahit wala kaming komunikasyon, okey naman kami.”
For a while na wala si Almira sa GMA, nagkaroon naman siya ng projects sa ABS-CBN, na that time ay pinag-aaral niya ang tatlong anak. Ang panganay niyang si Alyssa ay isang Kapamilya actress, ang second daughter niyang si Aila ay nagtatapos ng medicine sa FEU at ang bunsong si Ina ay nag-graduate na Magna Cum Laude sa University of Asia and the Pacific ng Entrepreneurial Management.
Nagpasalamat si Almira na mababait at sinuklian ng mga anak niya ang paghihirap niya para mapag-aral sila.
Biniro si Almira kung kailan naman siya magpapakasal sa bago niyang boyfriend?
“Dream ko pa ring muling magpakasal at alam ng partner ko na naniniwala pa rin ako sa kasal. Gusto kong maging example sa mga anak ko, iba pa rin iyong magpakasal sila, kahit pa nagkamali ako sa first marriage ko na biniyayaan naman ng tatlong mababait at magagandang anak.”
Nagsimula nang mapanood sa GMA 7 ang “Madrasta” last Monday, after ng Prima Donnas.
-Nora V. Calderon