Tiniyak ng pamunuan ng Department of Transportation na hindi magtataas ng pasahe sa MRT, LRT-Line 2, at PNR, kahit pa malilibre na ng sakay ang mga estudyante simula sa Lunes.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, malabong mangyari na magpatupad sila ng taas-pasahe, dahil kahit magbigay sila ng libreng sakay sa mga estudyante ay hindi naman, aniya, malulugi ang mga naturang train lines ng gobyerno.

Sinabi ng kalihim na bago ipinatupad ang programa ay pinag-aralan muna itong mabuti, bukod pa sa limitado rin naman ang oras na maaaring i-avail ng mga estudyante ang libreng sakay.

Ayon sa DOTr, upang makalibre ng sakay ay kailangang kumuha ng free ride ID ang mga estudyante, na maaaring i-apply online sa tinyurl.com/y66f8nr4, at mayroon din sa mga Malasakit Center sa mga istasyon ng tren.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

Gayunman, kahit wala pang free ride ID ay maaari nang makalibre ang estudyante sa pagpiprisinta ng kanilang valid school ID sa unang bahagi ng implementasyon.

Nabatid na ipatutupad ang libreng sakay sa mga piling oras sa umaga at hapon, Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holiday.

Bukod dito, libre na rin ang terminal fee ng mga estudyante sa mga paliparang pag-aari at pinangangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), gayundin sa lahat ng pantalang pag-aari at pinatatakbo ng Philippine Ports Authority (PPA).

Mary Ann Santiago