Patay ang isang apat na taong gulang na lalaki makaraang aksidenteng masagasaan ng police patrol car sa Pasay City, nitong Miyerkules.

Binawian ng buhay sa Pasay City General Hospital si Camilo Asis y Cagoco, 4, huling nanirahan sa Barangay 78, Zone 10, sa lungsod, dahil sa matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasa kustodiya ng Station Traffic Enforcement Unit (STEU) ng Pasay City Police si Cpl Ramil Avecilla, nasa hustong gulang, may asawa, at nakatalaga sa Baclaran Police Community Precinct (PCP) ng naturang pulisya.
Sa ulat, nangyari ang aksidente bandang 4:20 ng hapon sa Kapitan Ambo Street sa Bgy. 78.
Minamaneho ni Cpl Avecilla ang isang Mitsubishi Montero J-18 na nagsasagawa ng pagpapatrulya sa lugar nang masagasaan ang naglalarong paslit, na pumailalim pa sa sasakyan.
Kaagad na dinala ng pulis sa ospital ang bata, pero nalagutan na ito ng hininga bandang 5:23 ng hapon.
Dahil dito, nagsilbing complainant ang ina ng bata na si Anabel Cagoco y Duran, 43 anyos.
Mahaharap ang pulis sa reckless imprudence resulting in homicide sa Pasay Prosecutor’s Office.
-Bella Gamotea