Pinaniniwalaang dumanas ng matinding pahirap bago pinatay, at posible pang ginahasa, ang isang babaeng assistant supervisor ng supermarket, na natagpuang nakasako sa loob ng isang storage room sa Muntinlupa City.

Ang biktima ay kinilalang si Sheva Adare Mae Prementil y Lucio, 22, dalaga, tubong Malaybalay City, Bukidnon, assistant supervisor ng isang supermarket sa Barangay Alabang, at residente ng Bgy. Cupang, Muntinlupa.

Pinaghahanap ng mga awtoridad si Alexander Morpuz, 23, binata, stay-in helper sa Bgy. Cupang, Muntinlupa.

Sa ulat ni Col. Gerardo Umayao, hepe ng Muntinlupa City Police, nadiskubre ng board mate niyang si Maricor Mendoza, 27, ang bangkay ni Prementil na duguang nakasilid sa sako ng bigas, sa loob ng storage room sa nabanggit na lugar, dakong 11:00 ng umaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaagad ipinabatid ni Mendoza ang insidente sa kanilang barangay at presinto.

Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Southern Police District, sa pangunguna ni Maj. Rhea Cornelio, nagtamo ang biktima ng sugat sa ulo, may malaking sugat at halos maputol ang kaliwang kamay, at walang suot na damit pang-itaas, at hinihinalang hinalay din.

Bago madiskubre ang bangkay ni Prementil, hindi na umano pumapasok sa trabaho ang suspek.

Dinala ang labi ng biktima sa Loreto Funeral Services sa Lower Bicutan sa Taguig City upang isailalim sa awtopsiya.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon at follow-up operations ng pulisya sa nasabing kaso.

Bella Gamotea