Si Will Smith ang gaganap na Genie sa live-action movie na Aladdin—pero alam n’yo bang tinanggihan niya ang role nang una itong ialok sa kanya?

Will Smith sa 'Aladdin' premiere sa London. REUTERS

Will Smith sa 'Aladdin' premiere sa London. REUTERS

Nag-alanganin pa ang Hollywood star na gumanap na Genie sa live-action remake ng Aladdin ng Disney, dahil nangangahulugan itong susundan niya ang yapak ng namayapang komedyanteng si Robin Williams, na nagboses sa karakter sa animated film nito noong 1992.

Sumikat sa 1990s TV series na The Fresh Prince of Bel Air, sinabi ni Will na nagdagdag siya ng personal touch—at ilang hip hop at rap—upang gampanan ang papel ng makulit na CGI-enhanced na blue Genie, na sumulpot mula sa lampara, galing sa kuweba ng kayamanan.

Nakausap ng Reuters sa premiere ng musical film sa London nitong Huwebes (Biyernes sa Pilipinas), sinabi ng 50-anyos na actor-rapper na ang una niyang reaksiyon nang ialok sa kanya ang role ay, “Hell no, no way.”

“Robin Williams didn’t leave much room to improve on the Genie. ... So I looked at it and the first thing for me was that it was going to be live action. I thought it could be a little different,” sabi ni Will.

“Robin Williams ... took his essentially stand-up persona and just infused his stand-up persona into the Genie. ... I was like I could just use the extreme version of almost my Fresh Prince persona to be able to infuse that into this wild character. I felt I’d be able to capture the nostalgia while at the same time being able to make something new.”

Tampok sa pelikula ang kaparehong plot ng 1992 film, kung saan na-in love ang mahirap na magnanakaw na si Aladdin kay Princess Jasmine, subalit iginiit ng direktor na si Guy Ritchie na ang nasabing kuwento “needed updating.”

“We are half an hour longer and there’s just a difference between an animated film and live action,” aniya.

“Somehow you can take broader strokes in the animated movies that you can’t afford in live action. Jasmine was the principal character that needed evolving and developing.”

Gaganap na Princess Jasmine ang bida sa The 33 at Power Rangers na si Naomi Scott, na itatampok din sa ipalalabas na Charlie’s Angels remake.

“(Jasmine) finds her voice and she goes through a journey to find it. ... I want little girls to see that,” sabi ni Naomi.

Ang baguhang si Mena Massoud, na nagbida sa seryeng Tom Clancy’s Jack Ryan noong nakaraang taon, ang gaganap na Aladdin.

Reuters