Batang Silay, umukit ng swimming record; Mojdeh, pakitang-gilas
DAVAO CITY -- Sipag at tiyaga ang naging sandigan ni Alexie Kouzenye Cabayaran para mapabilang sa natatanging bata sa 2019 Palarong Pambansa kahapon sa Davao City- UP Mindanao Sports Complex dito.
Binasag ng pambato ng Region 6 ang dating record na 2:16.72 sa Elementary girls 200 m freestyle na tangan ni Imee Joyce Saavedra sa impresibong panalo sa tyempong 2:15.76.
“Masaya po ako at very proud. Talagang target ko na makakuha ng record,” pahayag ng pambato ng Silay City sa Bacolod.
Aniya, anim na buwan niyang pinaghandaan ang pagsabak sa torneo.
“Mahirap po yung training ko and I was really targeting on breaking the record po,” pahayag ni Cabayaran.
Tatlong gintong medalya ang kanyang naiuwi noong nakaraang edisyon sa Vigan, Ilocos Norte habang anim na gintong medalya ang kanyang hinakot sa Batang Pinoy Visayas leg.
Samantala, hindi man pinalad na makuha ang gintong medalya sa secondary girls 50m butterfly event, lutang ang gilas ng dating elementary champion na si Michaela Jasmin Mojdeh ng NCR.
Naungusan ni Camille Lauren Buico ng NCR ang 12-anyos na si Mojdeh, sumabak sa high school event sa unang pagkakataon, sa tyempong 29.77. Tumapos ang swimming protégée sa ikalawa sa oras na 29.91. Si Shairinne Floriano ng Calabarzon ang kumuha ng bronze (31.00).
“Malakas po talaga yung kalaban ko tsaka record holder po. Still thankful po kasi naka silver pa rin ako,” pahayag ng beteranong age-group internationalist.
Sa athletics, nakuha ni Hazel Domocuan ng Region XII ang ginto sa long jump elementary girls, sa 5.08 para sa gintong medalya, habang si Mariku Canyohan ng Region IV-A naman ang kumuha ng silver sa 4.82 at bronze naman kay Crislyn Penales ng Region X sa 4.80.
Sa arnis, nakakuha ng ginto ang pambato ng SOCCSARGEN na sina Princes Sheryl Valdez at Miguel John Clavation sa creative single baston.
Sa Taekwondo, nanaig si Khyla Kreanzzel Guinto ng CAR sa poomsae event.
-Annie Abad