Isang lalaki ang napatay ng mga awtoridad nang i-hostage nito at mapatay sa saksak ang batang lalaking pamangkin sa Mobo, Masbate ngayong Linggo ng madaling araw.
Sa natanggap na ulat ni Chief Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5 (PRO-5), dead on the spot ang hostage taker na si Magdaleno Bustamante, ng Barangay Poblacion 2, ng nabanggit na bayan, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Binawian naman ng buhay habang ginagamot sa ospital ang apo na hinostage nito na si Christ Jerome Uy, 3, ng nasabi ring lugar, dahil sa saksak nito sa katawan.
Sa police report, bigla na lamang pumasok si Bustamante sa kuwarto ng biktima na natutulog, katabi ang inang si Rovelyn Uy, 28, guro, dakong 3:30 ng madaling araw.
Armado ng patalim ang suspek nang bantaan nito ang mag-ina na papatayin niya ang mga ito.
Agad namang nai-report sa pulisya ang insidente na agad na nirespondehan ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team.
Paliwanag ni Calubaquib na sa gitna ng negosasyon ay bigla na lamang sinaksak ng suspek ang bata, kaya’t sinugod na ito ng mga awtoridad at pinaputukan na nagresulta sa pagkasawi nito.
"Sa report po sa atin ng Mobo PNP, ang demand ng suspect ay maraming media at mga baril na may bala,"
Binanggit pa sa report, natapos ang hostage drama, dakong 7:45 ng umaga.
-NIÑO N. LUCES