Iniutos ng Sandiganbayan na ikulong nang 115 taon ang suspendidong si Samar Rep. Milagrosa Tan kaugnay ng kasong graft na nag-ugat sa umano’y maanomalyang pagbili niya ng emergency supplies para sa mga biktima ng bagyo noong siya pa ang gobernador sa lalawigan, taong 2001.
Ito ay nang mapatunayan ng 4th Division ng anti-graft court na nagkasala si Tan sa 8 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).
Ayon sa hukuman, aabot sa 15 taon ang pagkakakulong ni Tan sa bawat bilang ng pito sa walong graft case nito habang ang isa pang kaso nito ay may katumbas na 10 taong pagkakakulong.
Ang kaso ay bunsod ng pagbili ni Tan ng emergency supplies na aabot sa P16.1 milyong ipamamahagi sana sa mga naapektuhan ng bagyo.
Si Tan ay gobernador ng lalawigan nang maganap ang anomalya.
Sa reklamo ni Fr. Noel Ladendia, ng anti-corruption group na Isog Han Samar, isinagawa ang pagbili ng supplies bago pa man tamaan ng bagyo ang lalawigan at hindi rin umano ito dumaan sa public bidding.
Kabilang sa nasabing supplies ang bigas at medical items.
Bukod dito, pinagbawalan na rin sa Tan na magtrabaho sa pamahalaan.
Czarina Nicole Ong Ki