HALOS wala raw panalo ang mga kandidato ng OTSO DIRETSO (OT) ng oposisyon sa 2019 midterm election sa Mayo. Gayunman, tiwala si Vice Pres. Leni Robredo na aangat ang Otso Diretso candidates kapag nagsimula na ang campaign period ngayong linggo.
Sa ngayon, tanging sina Sen. Bam Aquino at ex-DILG Sec. Mar Roxas ang kabilang sa MAGIC 12 na dominado ng reelectionist senators at kilalang indibiduwal mula sa showbiz. Ang anim pang kandidato ng OT na nasa laylayan ng Magic 12 ay sina Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, election lawyer Romulo Macalintal, ex-Solicitor General Flor Hilbay, ex-Quezon Rep. Erin Tanada, Marawi civic leader Samira Gutoc, at human rights lawyer Jose “Chel” Diokno, anak ng kilalang anti-Marcos na si ex-Sen. Jose W. Diokno.
Sa paglulunsad ng Ahon Laylayan Coalition-National Capital Region sa Quezon City noong Miyerkules, sinabi ni beautiful Leni na kumpiyansa siyang mananaig at mananalo ang mga kandidato ng Otso Diretso, gaya ng nangyari sa kanya noong May 2016 elections, na isang porsiyento lang ang voter awareness sa kanya kumpara kina Bongbong Marcos at iba pang vice presidential bets noon.
Malaki ang pag-asa ni VP Leni na tatangkilikin ng mga tao mula sa “laylayan” ng lipunan ang kanyang mga kandidato sa halip na humingi ng tulong at suporta sa mga pulitiko. Ang Ahon Laylayan Coalition ay binubuo ng mga samahan ng kababaihan, manggagawa, kabataan, senior citizens, mangingisda, magsasaka, at urban poor.
oOo
Sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), bigla ang paglundag ng matapat na aide ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Magic 12, si Christopher “Bong” Go. Sa kanyang paglundag, nalaglag naman sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at ex-PNP Chief Bato dela Rosa. Anyare? Eh nasaan naman si ex-Sen. Juan Ponce Enrile?
oOo
Umiiral ngayon ang sisihan blues sa pagitan ng Department of Health(DoH) at ng Public Attorneys’ Office (PAO). Sinisisi ni Health Sec. Francisco Duque III si PAO Chief Persida Acosta kung bakit natakot ang mga nanay na pabakunahan ang mga anak sa kahit anong uri ng bakuna.
Isinumbong ni Duque si Acosta kay PRRD sa pulong ng gabinete bunsod ng biglang paglaganap o outbreak ng tigdas o measles sa maraming lugar ng bansa, partikular sa Metro Manila at Central Luzon. Dahil daw sa “katitili” ni Acosta na ang pagtuturok ng Dengvaxia vaccine ang naging sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay ng ilang batang mag-aaral, natakot ang mga nanay na pabakunahan ang kanilang anak kahit ang bakuna ay hindi anti-dengue o Dengvaxia.
Mariing itinanggi ni Acosta na siya ang sanhi ng measles outbreak sa pagkatakot ng mga ina na pabakunahan ang mga anak. Tungkulin daw ng DoH na pabakunahan ang mga bata at kung kailangan ay magbahay-bahay sila. Katwiran naman ng DoH officials, takot magpabakuna ang mga bata kahit sa anti-measles, anti-polio, anti-TB, anti-flu, anti-diptheria dahil nga sa pananakot ng PAO.
Marahil, ang pinakamaganda at kanais-nais na solusyon upang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa bakuna, ay parehong mag-isyu ng public statement ang DoH at PAO na ang ibang mga bakuna ay ligtas at makabubuti sa kalusugan. Kung ayaw nila sa Dengvaxia, huwag silang pabakuna.
-Bert de Guzman