Napatay ang isang incumbent na barangay chairman nang pagbabarilin ito ng riding in tandem sa naganap na pananambang sa San Fernando, Cebu, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Johnny Arriesgado, ng Barangay Magsico ng naturang bayan.
Sa report ni Senior Insp. Lymel Pasquin, hepe ng San Fernando Police, pauwi na ang biktima sakay ng kanyang multicab van nang pagbabarilin ng dalawang lalaki, sakay motorsiklo sa Bgy. Magsico, dakong 7:00 ng gabi.
Aniya, nahulog pa sa tulay ang sasakyan nang hindi na ito makontrol ng biktima.
Halos hindi mabilang ang mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima, ayon sa mga awtoridad.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang tatlong anggulo sa pamamaril na kinabibilangan ng pulitika, pagkakadawit umano nito sa iligal na droga at love triangle.
Matatandaang inaresto si Arriesgado nang masamsam sa kanyang bahay ang iba’t ibang uri ng baril, noong Hulyo 2017.
-Fer Taboy