LUCBAN, Quezon – Patay ang isang umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) nang makasagupa ng grupo nito ang mga pulis sa Barangay Kalangay, Lucban, Quezon, nitong Miyerkules ng umaga.
Sa police report, hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ang nasabing rebelde.
Binanggit sa ulat ng pulisya na nagsasagawa ng preventive combat patrol ang Quezon 1st Mobile Force Company sa Bgy. Mahabang Parang nang makaengkuwentro nila ang aabot sa 15 rebelde, dakong 6:00 ng umaga.
Nauna nang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay ng namataang grupo ng mga rebelde na humihingi ng pagkain sa mga residente sa lugar.
Nang respondehan ng mga awtoridad, bigla umano silang pinaputukan ng mga rebelde, na nagresulta sa halos kalahating minutong sagupaan.
Nang umatras ang grupo ng NPA, iniwan nila ang isa nilang kasamahan na napatay sa nasabing bakbakan.
-Danny J. Estacio