Ni MARY ANN SANTIAGO

Kinumpirma ng Food and Drugs Administration (FDA) na hindi rehistrado sa ahenisya at may mataas na antas ng methanol ang lambanog na ininom at nakalason sa siyam na katao sa Quezon City at Laguna, kamakailan.

Ito ay batay sa resulta ng 24-oras na pagsusuri ng FDA sa mga sample ng lambanog na kinalap nila.

“The FDA, in coordination with the Department of Health (DoH)-Epidemiology Center, and the concerned local government units, immediately secured samples of these products, for product verification and laboratory analysis, and have confirmed that they are NOT registered, and have contained high levels of the substance, Methanol,” saad ng FDA, batay sa Advisory No. 2018-325, na ipinalabas nito ngayong Biyernes ng hapon.

Ipinaliwanag pa ng FDA na ang pagkonsumo ng mga produktong may mataas na antas ng methanol ay may masamang epekto sa kalusugan, at maaaring magdulot ng pagkabulag at permanenteng neurologic dysfunction—o kamatayan kung hindi maaagapan.

Pinayuhan rin ng FDA ang publiko na mag-ingat sa pagbili at pagkonsumo ng lambanog, at tiyaking rehistrado ang anumang produktong bibilhin.