Pinagbabaril ang isang miyembro ng political clan at suspek sa ilegal na droga sa Barangay Isabang, Tayabas City, Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Tayabas City Police Station (TCPS), kinilala ang biktima na si Cer Orillez Alcala, na bunsong anak ni Cerilo "Athel" Alcala at sinasabing big-time drug lord sa lugar.
Napag-alaman na si Cer ay pamangkin nina Quezon Second District Representative Vicente Alcala at dating Agriculture Secretary Proceso Alcala.
Ayon kay Senior Supt. Osmundo de Guzman, director ng Quezon Provincial Police Office (QPPO), sa report ng TCPS ay natutulog si Cer sa loob ng kanyang bahay nang pasukin ng dalawang hindi pa nakikilalang armado.
Dead on arrival sa ospital ang biktima.
Sa record, Nobyembre 2016 ay inaresto si Cer, kasama ang kanyang kapatid na si Sajid Alcala at apat na iba pa, makaraang masamsaman ng 62 gramo ng umano’y shabu.
-FER TABOY