CJ Perez, ipinanganak sa Hong Kong; PBA top pick naunsiyami
KUMBINSIDO ang marami na top pick sa 2019 PBA Drafting si CJ Perez.
Bakit hindi, matapos makamit ang MVP awards sa nakalipas na season ng NCAA at sa PBA D-League, malaki ang laban ng 6-foot-3 guard ng Lyceum of the Philippines para sa back-to-back MVP title.
Ngunit, tila kisap-mata ang lahat ng hinuha kay Perez.
Ayon sa source na tumangging magpabanggit ng pangalan, posibleng hindi maganap ang pagpasok niya sa top pick dahil mailalagay siya sa Fil-foreign category.
Lumabas sa pagsusuri ng mga dokumento na hindi sa Pilipinas ipinanganak si Perez bagkus sa Hong-Kong kung kaya’t hindi siya makokonsidera na homegrown talent.
Naninirahan at lumaki sa Bautista, Pangasinan si Perez.
Makakasama si Perez sa hanay ng mga kinukonsiderang Fil-foreigners na mga draft hopefuls sina Matt Salem, CJ Isit, Paul Varilla, Robbie Manalang, Trevis Jackson at John Ragasa.
Nauna nang nagpahayag ang may-ari ng Columbian Dyip na balak nilang kunin si Perez bilang top pick.
Gayunman, puwede pang magbago ang kanilang plano dahil base sa panuntunan ng PBA ay limitado lamang hanggang sa lima ang Fil-foreigners sa bawat team sa kanilang active line-up.
Maliban kay Perez, ang iba pang mga matunog na pangalan para sa no. 1 overall pick ay sina Robert Bolick ng San Beda at Bobby Ray Parks Jr. ng Alab Pilipinas na kapwa naman kinokonsiderang mga locals dahil parehas silang dito ipinanganak sa Pilipinas.
Wala pang pormal na pahayag ang PBA hingil sa isyu.
Samantala, hindi rin nakuha ang pahayag ni Perez at hindi ito sumasagot sa text message.
-MARIVIC AWITAN