May 21, 2026

Home BALITA

‘Panahon na!’ Akbayan, nanawagan ng food subsidy para sa mga ermat, working women

‘Panahon na!’ Akbayan, nanawagan ng food subsidy para sa mga ermat, working women
Photo courtesy: Akbayan


Isinigaw ng grupong Akbayan Women ang panawagan nilang food subsidy sa pamahalaan, kasabay ang patuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Sa isang kilos-protesta na isinagawa nila nitong Miyerkules, Marso 18, kasama ang mga kababaihan ng Partido Manggagawa, EveryWoman, MAKALAYA-Homenet, Manila Informal Workers Association (MAIWA) at PINASAMA, idiniin nila ang proposal nilang ₱3,000 tulong-pinansyal para sa mga ina at kababaihang manggagawa, kasunod ang panawagan ding nilang ipasa agad ang House Bill No. 8628, o ang “Magna Carta for Workers in the Informal Economy.”

“Sa nangyayaring pagtaas ng presyo ngayon, paniguraduhin dapat ng gobyerno na dapat walang magutom na tahanan, at walang maluluging mga manininda,” saad ng Akbayan Women Head na si Juana Caumeran.

“Ang mga nanay ang unang nagbabawas ng sariling pagkain para lang may maisubo ang mga anak. Hindi sila dapat pinapipila sa gutom," ani Caumeran.

Aniya pa, “Ang mga tindera, kasama ng marami pang maliliit na vendors, ang bumubuhay sa ating lokal na ekonomiya. Panahon na para bigyan sila ng  tamang proteksyon laban sa krisis.”

Ayon pa sa grupo, inaasahang magsusumite sina Akbayan Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep.Kaka Bag-ao ng resolusyon sa Kongreso hinggil sa nasabing food subsidy.

Sa kaugnay na ulat, ₱5,000 fuel subsidy naman ang ipinamahagi ng pamahalaan para sa mga sektor na labis na apektado ng krisis sa produktong petrolyo—partikular na sa mga driver at operator ng pampublikong transportasyon sa bansa.

MAKI-BALITA: ₱5k subsidy, ipamamahagi sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo-Balita