PALO, Leyte – Pinagbabaril ang isang pulis ng hindi pa nakikilalang mga armado sa tapat mismo ng bahay nito sa Barangay Buri dito, kahapon ng umaga.
PULIS NAMAN NGAYON Iniimbestigahan ng mga pulis ng Palo, Leyte Police Station ang pananambang kay Chief Insp. Jovel Young sa tapat mismo ng kanyang bahay sa Barangay Buri, Palo, bandang 7:00 umaga kahapon.
(NESTOR L. ABREMATEA)
Kinilala ang biktima na si Police Senior Insp. Jovel Domilon Young, 39, na kasalukuyang nakatalaga sa Police Regional Office Headquarters ng Palo, Leyte.
Sa inisyal na imbestigasyon, 20 beses pinaputukan ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang biktima habang nagmamaneho ng kanyang silver Toyota Vios sa labas lamang ng kanyang bahay, bandang 7:00 ng umaga.
Agad din umanong tumakas ang mga suspek, sakay sa SUV, patungo sa kalapit na bayan ng Sta. Fe, habang agad namang isinugod sa ospital ang biktima, ayon kay Police Regional Office 8 Information Officer Bella Rentuaya.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad, habang humingi naman ng seguridad sa ospital ang pamilya ni Young.
Dating nakatalaga ang biktima sa Ormoc City Drug Enforcement Unit regional headquarters, dalawang buwan na ang nakalilipas.
-Marie Tonette Grace Marticio