Umaabot sa halos 150 ang naghain ng kandidatura sa pagkasenador para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE), at may kaparehong bilang din ang mga party-list group na nagnanais lumahok sa halalan.

Sa ikalima at huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) kahapon, dumagsa ang mga last-minute filer sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila upang maghain ng kani-kanilang kandidatura.

Kabilang sa mga naghain ng COC sa pagkasenador ang re-electionist na si Senator Sonny Angara, ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) Party; si dating Solicitor General Florin “Pilo” Hilbay, ng Aksyon Demokratiko Party; dating Presidential Spokesperson Herminio “Harry” Roque, Jr., ng People’s Reform Party; dating Interior and Local Government Secretary Rafael “Raffy” Alunan III, ng Bagumbayan Party; at Atty. Romulo Macalintal.

Kakandidato rin si Junbert Guigayuma, ng Labor Party of the Philippines; ang broadcast journalist na si Rodrigo “Jiggy” Manicad; si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.; si dating Senator Sergio “Serge” Osmeña III; si dating Presidential Adviser Francis Tolentino, ng PDP Laban; si Ranny Montalban; si Atty. Allan Montaño; si Jose Sonny Matula, ng Labor Party Philippines; si Ma. Socorro “Muffet” Manahan, ng Partido Federal ng Pilipinas; si Marcelino “Mar” Arias, ng Labor Party Philippines; si Vector Maliuanag; sina Lemicio Roxas, at Rosita Imperial, kapwa ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naghain din ng COC sina Francisco Naval; Emmanuel Dadulla ng KDP; Gene Nuega; Emmanuel Lopez, Alexander Encarnacion, Salipada Amir-Hussin, ng Lakas-CMD, habang personal na nag-refile ng kanyang COC si dating Senate President Juan Ponce Enrile, ng Pwersa ng Masang Pilipino.

Kakandidato rin sina Andrew Castillo; Luther Meniano, ng Labor Party Philippines; Porferio Camorongan; Manuel Montarde, ng Philippine Green Republican Party; Agnes Afable; Ernesto Ramel, ng Aksyon Demokratiko Party; Agnes Sy; Nestor Abuid; Vivien Morento, ng Akbayan Citizen’s Action Party; Elizabeth Apular; Ernesto Ansula; Geremy Geroy; at Joselito Guinto.

Nabatid na sa unang araw ng COC filing ay nasa 27 ang nakapaghain ng COC para senador, 10 ang naghain ng COC noong Day 2, 26 noong Day 3, at 41 noong Day 4.

Ang mga party-list group na naghain ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ay umabot sa 18 noong Day 1, 12 noong Day 2, 40 noong Day 3, at 45 noong Day 4.

Nanindigan naman ang Comelec na walang extension ang COC filing, na opisyal na nagtapos bandang 5:00 ng hapon kahapon.

-MARY ANN SANTIAGO