HINDI na talaga nakaporma ang seryeng Onanay sa GMA 7, sa pangunguna ni Ms Nora Aunor, sa katapat nitong Ngayon at Kailanman. Simula nang umere ang serye nina Joshua Garcia at Julia Barretto ay hindi pa ito naungusan sa ratings game.

Base sa Kantar Media survey ng Ngayon at Kailaman nitong Setyembre 3 ay nakamit ng JoshLia ang 29.9% vs 16.8% at Setyembre 4 naman ay 28.2% vs 16.4% nationwide. Naniniwala rin kami na sa laki ng lamang ng NAK ay panalo rin sa AGB Nielsen survey ang programa ng ABS-CBN.

Mas lalong tinututukan ng manonood ang Ngayon at Kailanman ngayong nabuking na ni Rosemarie Gil na umalis na sa kumpanya nila ang anak na si Christian Vasquez at nakipaghiwalay pa sa asawang si Alice Dixson.

Mas lalo pang naggalaiti sa galit si Alice nang malaman niyang kay Joshua na ipinagkatiwala ni Rosemarie ang negosyong matagal niyang inaasam-asam para sa anak na si Jameson Blake.

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

At dito nabuking na hindi pala tunay na anak ni Alice si Joshua kaya mabigat ang dugo niya rito, kaya naman panay ang siksik niya sa utak ng anak na si Jameson na kailangan nitong gumawa ng hakbang para hindi tira-tira ang makukuha niya sa kumpanyang pinamamahalaan ngayon ng kapatid nito sa ama.

Sa ibang babae anak ni Christian si Joshua, bagay na hindi tanggap ni Alice, kaya lahat ng paghihirap ay ipinaramdam sa anak-anakan.

Samantala, nagkita na sina Iza Calzado at Alice sa probinsiya kung saan nakatira na ngayon si Christian, at may kutob ang una na may kinalaman ang mag-asawa sa pagkamatay ng asawa niyang si TJ Trinidad, at anak nilang si Julia.

Akala kasi ni Iza na namatay din ang anak niyang si Julia kaya nagpapa-imbestiga siyang mabuti.

Sa pagpapatuloy ng Ngayon at Kailanman ngayong gabi ay nakita ni Iza na umaalis na sina Christian at Alice at ‘tila may naalala ang mag-asawa nang makita ang una.

Sabi nga ni Iza, “Kapag namukhaan nila ako, malalaman nila na ako ang pamilya ni Rodrigo (TJ).”

Kaya hindi mo talaga bibitawan ang kuwento ng Ngayon at Kailanman dahil palalim nang palalim ang kuwento nina Alice, Christian at Iza. Iba rin ang aabangang kuwentong love triangle nina Joshua, Jameson at Julia.

Mapapanood ang Ngayon at Kailanman pagkatapos ng isa pa ring unbeatable show na FPJ’s Ang Probinsyano, na nasa ikatlong taon na ngayon.

-Reggee Bonoan