KUMPIYANSA si Mayor Noel E. Rosal na ikokonsidera na ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan ang lungsod ng Legazpi bilang business hub, matapos ang ipinakita nito sa index levels na itinakda ng National Competitiveness Council (NCC).
Kinilala ng NCC ang Legazpi bilang No. 1 competitive city, sa ilalim ng Component City Category, sa awarding ceremony sa Philippine International Convention Center sa Maynila, nitong Huwebes.
Nakuha naman ng Naga City ang ikalawang puwesto.
Dinaluhan ang seremonya ng mga miyembro ng Makati Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry (PPCI), at iba pang may-ari ng malalaking negosyo sa bansa at mga gabinete.
Sa pamamagitan ng pagsusulong ng “best practices” sa larangan ng kahusayan ng pamahalaan, pagsusulong ng ekonomiya at imprastruktura ay tinalo ng Legazpi at Naga ang nasa 1,200 lokal na pamahalaan sa buong bansa sa NCC’s competitiveness index rating.
Sa isang panayam sa telepono, ibinahagi ni Rosal na nanguna ang Legazpi sa infrastructure development at No. 2 sa economic dynamism, habang pumangalawa naman ang Naga City ‘infrastructure development’ at No. 1 sa economic dynamism.
“I was so elated when Legazpi was recognized as the overall champion competitive city in the entire country,” pagbabahagi ni Rosal.
Aniya, umangat ang Legazpi mula sa ikatlong puwesto noong 2016, ikalima noong 2017 at sa wakas ay nanguna ngayong taon.
“Placing first among hundreds of component cities in the country is a big challenge for us and we need to prove it to the people of Legazpi that we are always working for the progress and development of our city,” aniya.
Ayon sa alkalde, humanga ang NNC at Department of Trade in Industry (DTI) sa pag-unlad ng mga imprastruktura sa Legazpi, katulad ng mga flood conrol projects na ikinokonsiderang isa sa pinakamaganda sa bansa.
“The recognition would give us more encouragement, dedication and drive to carry out investment friendly projects that would boost the economic standing of the city and its community,” paliwanag ni Rosal.
Nabanggit din niya ang four-kilometer southern boulevard ng lungsod na itinayo sa pamamagitan ng public-private partnership scheme.
Kasalukuyan ding itinatayo ng lokal na administrasyon ang 18-km, four-lane mega concrete road na magdurugtong sa ilang barangay sa katimugang bahagi ng lungsod bilang paghahanda na rin sa operasyon ng international airport.
Samantala, ang Legazpi ang nag-iisang LGU sa Bicol na nagtayo at nagpapanatili ng isang PHP100-million engineered sanitary landfill, sa pakikipagtulungan ng Spanish Cooperation Agency for International Development or AECID sa Barangay Banquerohan.
Ipinagmalaki rin ni Rosal ang state-of-the-art P120 milyong halagang Legazpi City Hospital, na ikinokonsiderang isa sa pinakamodernong ospital sa buong Bicol.
PNA