Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin ng kanyang kinakasama, na kalaunan ay nagsaksak din sa sarili, sa kasagsagan ng kanilang pag-aaway sa Cardona, Rizal, nitong Sabado.

Ilang saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Lorelie dela Vega, nasa hustong gulang, habang nilalapatan ng lunas sa ospital si Rodolfo dela Peña, 39, na nagsaksak sa katawan at leeg.

Sa ulat ni SPO2 Orlando Dobra, ng Cardona Municipal Police, sa Rizal Provincial Police Office, nadiskubre ni Guia Supleto, kapatid ni Dela Peña, ang insidente sa loob ng bahay ng suspek sa Barangay Patunhay, Cardona, bandang 9:00 ng umaga.

Sa salaysay ni Supleto, na nakatira sa katabing bahay ng suspek, bago niya nadiskubre ang insidente ay naalimpungatan siya sa pagsisigawan ng mag-live-in partner, dakong 3:00 ng umaga nitong Sabado.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nagpasya umano si Supleto na muling matulog nang mahinto ang sigawan sa pagitan ng magkasintahan.

Pagsapit ng 9:00 ng umaga, nagtungo si Supleto, kasama ang isang Elsa Umali, sa bahay ng suspek at nakita nila ang bangkay ni Dela Vega at ang sugatang si Dela Peña.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na may ibang kinakasama ang suspek at dumadalaw-dalaw lang kay Dela Vega.

-Mary Ann Santiago