Isang bagong low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng bansa ang nagbabantang maging bagyo sa loob ng 24-48 oras, at tatawagin itong ‘Karding’.

Sakaling ganap na maging bagyo, ang Karding na ang ikalima sa mga kalamidad na nanalasa sa bansa ngayong Hulyo, kasunod ng mga bagyong ‘Gardo’, ‘Henry’, ‘Inday’, at ‘Josie’, na nagdulot ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas.

Ayon kay Aldczar Aurelio, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), lumabas ng bansa ang bagyong Josie bandang 7:00 ng umaga kahapon, bagamat patuloy nitong pinaiigting ang habagat na nagdudulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan.

Namataan ang LPA may 1,495 kilometro sa silangan ng Southern Luzon, na kahit maging bagyo ay malaki ang posibilidad na hindi mag-landfall sa bansa, ayon kay Aurelio.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi ni Aurelio na patuloy na magpapaulan ang habagat sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan, Aklan, Antique, Negros Occidental, Capiz, Guimaras, at Iloilo. Manaka-naka naman ang magiging pag-ulan sa Metro Manila.

-Ellalyn De Vera-Ruiz