Patay ang dalawang holdaper matapos umanong manlaban sa mga pulis na umaaresto sa kanila sa Intramuros, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), bumulagta ang dalawang ‘di pa nakikilalang suspek sa engkuwentro sa Riverside, Plaza Mexico, sa Intramuros, dakong 1:40 ng madaling araw.

Una rito, naglalakad ang mag-asawang ‘di pinangalanan sa Ayala Boulevard, sa kanto ng Taft Avenue nang hintuan ng nakamotorsiklong mga suspek, dakong 11:40 ng gabi kamakalawa.

Tinutukan ng mga suspek ng baril ang mga biktima at nagdeklara ng holdap.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Dahil sa takot at taranta ay ibinigay ng mga biktima ang kanilang bag.

Sa pagtakas ng mga suspek, humingi ng tulong ang mga biktima sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na nagkataong rumoronda sa lugar.

Nagkasa ng checkpoint sa Riverside sa Plaza Mexico at namataan ang mga suspek at pinara, ngunit sa halip na huminto ay bumunot umano ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga pulis.

Nagpalitan ng bala ang mga suspek at mga pulis hanggang sa bumulagta ang mga holdaper.

Nabawi ang bag ng mga biktima.

-Mary Ann Santiago