Kinasuhan kahapon si dating Health Secretary Janette Garin at 36 iba pa sa Department of Justice (DoJ) kaugnay sa pagkamatay ng isa pang bata na binakunahan ng Dengvaxia anti-dengue vaccine.
Kasama ang Public Attorney’s Office (PAO), naghain ng reklamo si Rowena Villages kasunod ng pagkamatay ng kanyang anak na si Michael Tablate.
Sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na lumabas sa autopsy na pareho ang findings kay Tablate sa iba pang mga namatay na bata na tumanggap din ng Dengvaxia.
“Tapos na po ang histopathological exam ng tissues ng kanyang anak at ayun pa rin common pattern pa rin ng bleeding, edema, hemorrhages po ng internal organs,” ani Acosta sa mga mamamahayag.
Binanggit ng PAO chief na nakumpleto ni Tablate, 11-anyos nang namatay noong Oktubre 31, 2017, ang tatlong Dengvaxia shots na ang huli ay tinanggap niya noong Hulyo 12, 2017.
“Kaya yung sinasabi pong kumpletuhin ang bakuna, hindi po totoo na safe yun,” aniya.
Sa ilalim ng asuntong inihain kahapon, ang inaakusahan ang respondents ng reckless imprudence resulting to homicide sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code; torture resulting to the death of any person at torture committed against children sa ilalim ng Republic Act 9745 (the Act Penalizing Torture and Other Cruel, Inhuman and Degrading Treatment or Punishment); at having defective and mislabeled product sa ilalim ng RA 7394 (Consumer Act of the Philippines).
Bukod kay Garin, kasamang kinasuhan ang mga opisyal ng Department of Health (DoH) na sina Dr. Vicente Belizario Jr., Dr. Kenneth Hartigan-Go, Dr. Gerardo Bayugo, Dr. Lyndon Lee Suy, Dr. Irma Asuncion, Dr. Julius Lecciones, Dr. Joyce Ducusin, Rosalind Viianzon, at Mario Baquilod.
Pinangalanan ding respondents ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA) na sina Dr. Maria Lourdes Santiago at Melody Zamudio; mga opisyal ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), na sina Drs. Socorro Lupisan at Maria Rosario Capeding; executives ng Dengvaxia manufacturer Sanofi Pastuer at local distributor na Zuellig Pharma.
Respondents din ang Sanofi Pasteur executives na sina Carlito Realuyo, Stanislas Camart, Jean Louis Grunwald at Jean-Francois Vacherand. Habang ang mga taga-Zuellig Pharma ay sina Kasigod Jamias, Micheal Becker, Ricardo Romulo, Imran Babar Chugtal, Rayumund Azurin, Nilo Badiola, John Stokes Davison, Marc Franck, Ashley Gerard Antonio, Ana Liza Peralta, Rosa Maria Chua, Danilo Cahoy, Manuel Concio III, Roland Goco, at Ma. Visitacion Barreiro.
-Jeffrey G. Damicog