PAGPATAY nga ba ang talagang solusyon para matuldukan ang pamamayagpag ng illegal drugs sa bansa? Marami nang napatay na drug pushers, users – libu-libo na – subalit hanggang ngayon ay nagkalat pa rin sa mga lansangan, barung-barong, at kalye ang mga tulak at adik. Ngayon, ilan namang drug lord, smuggler, supplier ang naitumba?
Umiiral nga ba sa Pilipinas ngayon ang tinatawag na “kultura ng impunity” (culture of impunity)? Itinanggi ito ng Malacañang. Sa halip, isinisi ng Palasyo ang mga patayan, ang pinakahuli ay pagpatay sa dalawang alkalde ng Tanauan City (Batangas) at General Tinio (Nueva Ecija) sa mga grupo na ang layunin ay hiyain o i-discredit ang Duterte administration. Kagagawan kaya ito ng CPP-NPA ni Joma Sison o ng mga dismayadong miyembro ng AFP, PNP at oposisyon?
Ganito ang pahayag ni presidential spokesman Harry Roque: “Walang katotohanan na may kultura ng impunity sa Pilipinas dahil hindi naman kinukunsinti ng gobyerno ang state-sponsored killing.” Naniniwala ba kayo sa pahayag na ito ni Roque?
Binigyang-diin ng spokesman na itinataguyod ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rule of law at nananatiling nakatuon ito sa proteksiyon at seguridad ng komunidad. Ilang mambabatas, lalo na ang nasa oposisyon, ang matindi ang pagbatikos sa mga pagpatay na repleksiyon umano ng breakdown ng rule of law sa bansa.
Napatay noong nakaraang Lunes si Tanauan City Mayor Antonio Halili habang dumadalo sa flag-raising ceremony. Tinarget siya sa puso ng isang assassin na magaling sa pagbaril. Si General Tinio, Nueva Eicja Mayor Ferdinand Bote naman ay tinambangan at napatay habang palabas ang sasakyan sa tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA) sa Cabanatuan City.
Nais ng mga alkalde na makipag-dayalogo kay PRRD upang humingi ng ayuda kasunod ng pagpatay sa dalawang mayor noong isang linggo. Sa pamamagitan ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) president Ma. Fe Brondial ng Socorro, Oriental Mindoro, gusto nilang makapulong ang Pangulo at ipaalam sa kanya ang kanilang concern sa sunud-sunod na pagpatay sa mga lokal na opisyal.
Kung ang mga alkalde, pari, prosecutor, abogado, at journalist ay lantarang napapatay ngayon, lalong nangangamba ang mga ordinaryong mamamayan na walang kalaban-laban sa mga tampalasan, walang budhi at walang Diyos na mga killer! Bukod sa “Culture of impunity”, umiiral na rin daw ang “Culture of fear”.
-Bert de Guzman