Patay ang isang abogado makaraang pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki habang papalabas sa gate ng isang subdibisyon at napatay din ang umalalay na guwardiya sa Cainta, Rizal kamakalawa.

Kapwa dead on arrival sa magkahiwalay na ospital sina Atty. Joey Galit, 62; at Jesus Mateo, nasa hustong gulang, kapwa residente ng naturang lugar, dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, naganap ang krimen sa gate ng Apple 1 Subdivision, na matatagpuan sa Barangay San Juan, Cainta, bandang 11:15 ng umaga.

Galing sa bahay si Galit at palabas sa gate ng naturang subdibisyon, sakay sa silver na Subaru Wagon (ABH-6819), nang pagbabarilin ng mga nakaabang na suspek.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Nadamay si Mateo, na nagbukas lamang ng gate, nang tangkain niyang agawin ang baril ng isa sa mga salarin.

Isinugod si Galit sa Manila East Medical Center, habang si Mateo ay sa Cainta Municipal Hospital ngunit kapwa hindi umabot nang buhay.

Patuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.

-Mary Ann Santiago