MATAPOS aminin ng singer at bagong FAMAS Best Actress na si Agot Isidro na kinukumbinsi nga siya ng isang partido pulitikal para pasukin ang mundo ng pulitika at kumandidato sa susunod na taon, nagpahayag naman siya ng pag-aalinlangang mag-career move sa ngayon.
Inihayag din naman kamakailan ni Senator Kiko Pangilinan na isa si Agot sa talagang kinukumbinsi ng Liberal Party para kumandidatong senador sa 2019 midterm elections.
Kaya pagkatapos ng FAMAS Award ceremonies ay nagpaliwanag si Agot na hindi niya itinangging may mga lumapit sa kanya para kumbinsihin siyang kumandidato sa pagkasenador.
Pero katwiran ni Agot, bigyan muna siya ng panahon para pag-isipang mabuti ang pagsabak sa pulitika. Aniya, masaya pa naman siya sa kanyang propesyon bilang artista, lalung-lalo na ngayong kapapanalo lang niyang Best Actress sa FAMAS para sa pelikulang Changing Partners.
“Give me time. Iba ‘yung public service and being in the public eye, ha. Right now, I’m enjoying my craft, being an actress,”sabi ni Agot, na masayang-masaya dahil sa pagkapanalo niya ng acting award.
Dagdag pa niya, sa ngayon daw ay kailangan pa niyang tumanggap nang tumanggap ng movie projects na talaga namang nagpapasaya raw sa kanya, lalo na kung maganda ang ibinigay na role sa kanya.
“Ang sarap gumawa ng pelikula, kaya gawa muna tayo ng movies. Ang sarap umarte, especially now. I mean, ‘di ba, I mean, the landscape of film-making has changed a lot,”napatawa pang dagdag ni Agot.
Nilinaw naman ni Agot na hindi pa niya direktang tinatanggihan ang mga taong kumukumbinsi sa kanya na pasukin ang daigdig ng pulitika.
“Parang ang feeling ko ngayon, eh, dito muna ako sa showbiz. Parang hindi yata enjoy masyado sa Senado,”seryoso pero natatawang pahayag pa rin ng 2018 FAMAS Best Actress.
-Jimi C. Escala