Idineklara ni Pangulong Duterte na handa siyang bumaba sa puwesto sa oras na ganap nang mailipat sa federalism ang sistema ng gobyerno sa bansa.
Muling binanggit ng Pangulo ang kanyang alok na magbitiw sa puwesto kahit hindi pa tapos ang anim na taon niyang termino, at iatang sa mga bagong lider ang tungkulin kung maipatutupad ang federalism sa bansa sa 2020.
May konstitusyunal na mandato si Duterte, na nanungkulan simula noong 2016, hanggang taong 2022.
“Ako naman, kung matapos ‘yang BBL (Bangsamoro Basic Law) o ‘yang federalism, sabi ko nga, by 2020, kung nandiyan na ‘yan at magsabi na kailangan ng eleksiyon na bago, I will step down,” sinabi ng Pangulo nang bumisita sa Marawi City nitong Biyernes.
“Good for 2022 pa ako. Pero pagka may federal set-up na, baba ako. Bigay ko na sa—mamili kayo ng leader ninyo. I’m ready to retire,” dagdag pa niya.
Isiniwalat din ng Pangulo ang kanyang planong simulang muli ang pakikipag-usap kay Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari, sakaling maipasa ang BBL.
Una nang ipinangako ni Duterte na ipapasa ang BBL ngayong taon, at inamin niyang mahalagang maisaayos ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
“Gusto ko maghanap tayo ng formula. Pag-usapan natin ito. Hinihintay ko na lang ‘yung BBL. At kung naipasa ‘yan, I’ll start talking with Misuari,” aniya.
Nanindigan naman ang mga lider sa Kongreso na ipapasa nila ang matagal nang ipinoprosesong BBL sa Mayo 30, sa kamakailang pagpupulong kasama ang Pangulo sa Malacañang.
Una nang nagbabala ang Pangulo sa posibilidad na sumiklab ang gulo sa Mindanao kapag nabigo ang gobyernong isabatas ang panukalang magtatatag sa Bangsamoro region. - Genalyn D. Kabiling