Ni Lyka Manalo

BATANGAS CITY - Natiklo ng pulisya ang anim na suspek sa umano’y bentahan ng ilegal na droga sa Batangas City, nitong Biyernes ng gabi.

Nakakulong ngayon sa Batangas Police Provincial Office (BPPO) sina Cyrus June Corona, 29, ng Barangay Bolbok; Kevin Ramos, 28, ng Bgy. Tinga, Labac; at Cynthia Borbon, 37, ng Bgy. Calicanto, Batangas City.

Sa record ng pulisya, nakulong si Corona sa Batangas City Jail nang halos dalawang taon at lumaya lamang noong Enero, habang nakulong naman si Ramos ng mahigit dalawang taon at nakalaya noong Pebrero 2017, samantalang acquitted si Borbon nitong Abril matapos makulong noong Hulyo, 2016.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dakong 11:00 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ang mga suspek, sa Bgy. Calicanto at makumpiskahan umano ng may 13.96 na gramo ng hinihinalang shabu.

Naaresto rin ng mga awtoridad sa nasabing barangay si Jonathan Baril, drug surrenderer, na nasamsaman umano ng walong sachet ng sinasabing shabu; gayundin sina Fernando Aguda, 50; at Severino Herrera, 52, na nakuhanan din umano ng shabu at marked money.